BAKIT PAYONG?
- Makatang Anluwage
- Aug 11, 2018
- 1 min read
Nanlilimos para makabili ng payong,
Sa umaga’y kung hindi man uulan,
‘yung balat ay titipakin ng init ng araw,
sa gabi’y madalas pikon ang langit,
at makatatapat ang malakas na pag-ulan.
Dati’y ang mga barya’y para sa pandesal,
Kung hindi’y magtitiis sa paisa-isang kendi.
Sa bawat pisong bigay ng awa’t sobra:
Maanghang sa umagang pantubos-diwa;
Matamis sa gabing ipinakikiusap ang himbing
Nakasasawa ang saglit na lasa ng kendi,
Nakapapagod labanan ang samu’t saring sigwa:
Kung sa umaga’y tila panggatong sa araw,
At sa gabi’y yakap ang lamig ng kamatayan
Hindi sapat ang tamis at anghang ng kendi
Payong lang ang noon pa’y pinapangarap
‘Yung kusang bumubukas sa unos ng umaga,
At panangga sa biglaang trahedya ng gabi;
Kakayaning magbingi-bingihan sa kalamnan,
Makabili lang ng payong sa bangketa
Comments